Ako na ata ang Christmas Grinch reincarnated. Hindi ako nae-excite sa mga Christmas Party (gastos) o kahit sa Pasko mismo. Hanggang ngayon ay hindi ko maramdaman ang tinatawag na 'spirit of Christmas' kung anu man ang ibig sabihin nun. Dahil kaya wala akong pambili nito para maibahagi? Siguro.
Wala akong gana mamili. Wala akong gana kumilos. Kaya di ko matapos tapos ang thesis ko. Kaya di ko matapos tapos ang mga ibang bagay. Dahil ba sa lamig ng hangin ng Disyembre? Siguro.
Sabi ko sa isang kaibigan, nakakalungkot ang lamig ng hangin. Emo daw ako. Siguro. Conducive ang kalungkutan sa lamig, kaya siguro naha-heigthen nito kahit mumunting emosyon. Kaya siguro mataas din ang rate ng suicide sa ganitong panahon, sunod sa buwan ng Pebrero kung kailan mas malamig.
May kung anung kalungkutan ang nangingibabaw sa aking isip, at lalo itong nararamdaman ng katawan dahil sa lamig ng hangin. Kahit may jacket ay tumatagos ang hangin na para bang gustong gawing yelo ang buong katawan, kasama na ang kaloob-looban.